Got a tip? Send it to us at manila@coconuts.co.
Nahuli sa CCTV ang isang yaya habang sinasaktan at inaabuso ang dalawang taong gulang niyang alaga.
Sa video, habang pinapakain ang bata, makikitang dinuduro-duro ng kasambahay sa mukha ang bata.
Pinipilit din nitong kumain at painumin ng tubig kahit umiiyak na ang bata.
Habang nanonood naman ng TV, kita rin ang pagkurot ng yaya sa ilong ng bata dahil pinatay umano ng bata ang electric fan.
Noong Miyerkules ng gabi, May 20, pagdating ng bahay ng ina ng bata, lumapit umano ang kanyang anak na umiiyak at nilalagnat. Dito na umano sya kinutuban.
Nabanggit rin ng ina na madalas na rin niyang makita na may mga pulang marka sa bisig ang kanyang anak noong nakaraang araw.
Ngunit, aniya, hindi umano nila agad pinagdudahan ang kasambahay dahil mabait naman ito sa kanilang anak kapag nakaharap sila.
Pinalayas na ng ina ang suspek. Pina-blotter na rin niya ang pangyayari.
Nagpunta rin ng police station ang mag-asawa para iulat ang insidente.
Humihingi ngayon ng kopya ng CCTV ang Women and Children Protection Center para sa imbestigasyon.
Kapag napatunayang nagkasala, ipapatawag siya at posibleng maharap sa kasong child abuse. (Umagang Kay Ganda, Mayo 22, 2015)
This article has been re-published with permission from ABS-CBNnews.com.
