Got a tip? Send it to us at manila@coconuts.co.
Nahuli sa CCTV ang pagnanakaw ng mga mamahaling wallet at ilan pa umanong mga gamit sa isang boutique sa Quezon City.
Sa kuha ng CCTV kahapon ng tanghali, makikita ang isang grupo na nagpanggap na mga customer at pumasok sa boutique. Mayroon ding bitbit na bata ang grupo, na ayon sa kahera ay hindi kinakausap ang isa’t isa.
Matapos ang abot 30 minuto, makikita sa CCTV ang isa sa mga babae na binuksan ang isang box na naglalaman ng mga mamahaling wallet.
Inilabas niya ang apat na wallet sa kahon na nagkakahalaga ng hindi bababa sa PHP5,000 kada isa.
Maya-maya pa, ang kasamahan niya naman ay inutusan ang saleswoman na nag-aasikaso sa kanila.
Dito na nakakuha ng pagkakataon ang mga suspek na itago ang wallet sa gilid na bahagi ng boutique.
Maya-maya pa, makikita ang isang babae na lumapit sa pinagtaguan ng mga wallet at may ipinasok sa kanyang palda saka lumabas.
Dito na natangay ng babae ang apat na wallet na nagkakahalaga ng higit PHP20,000.
Posibleng hindi lang daw mga wallet ang tinangay ng mga suspek sa boutique dahil ilang beses na nakita sa CCTV na may itinatago at isinusuksok sa palda ang isa sa mga suspek saka lumalabas.
Hindi naman daw akalain ng mga bantay doon na mga kawatan ang customer.
Ngayong araw ipapa-blotter at ipapakita sa pulisya ang mga larawan ng mga suspek na galing mismo sa kanilang CCTV at kung sino man ang nakakakilala sa mga ito, maaaring ipagbigay alam sa pulisya para makatulong sa pagresolba ng kaso at hindi na mAkapambiktima pa. (Umagang Kay Ganda, May 27, 2015)
This article has been re-published with permission from ABS-CBNnews.com.
