Got a tip? Send it to us at manila@coconuts.co.
Paalala sa mga mahilig na maglaro o mag-Internet sa mga computer shops: Lagi po ninyong babantayan ang gamit ninyo.
Huli sa CCTV ang modus operandi ng isang lalaki na nagpanggap na customer sa isang computer shop para pagnakawan ang bantay doon.
Sa kuha ng CCTV sa isang computer shop sa Paco, Maynila noong Lunes, makikitang pumasok ang lalaking nakasuot ng puting polo shirt at nagpaprint.
Yun pala, may masama nang pinaplano ang lalaki..
Tumingin muna siya sa paligid at may ilang beses ding tumingin sa CCTV.
Sinisipat na pala niya, ang cellphone ng bantay ng computer shop.
Kita sa video na iniurong pa ng suspek ang bote ng tubig na nakaharaang noon sa tabi ng cellphone.
Matapos magpaprint, may ipinaedit pa raw ng suspek at doon na siya nakakuha ng tiyempo.
Pero sa pagkakataong iyon, ihinarang ng suspek ang hawak nyang papel at pasimpleng dinampot ang cellphone.
Matapos makuha ang cellphone, binayaran pa ng suspek ang kanyang mga pinaprint at kinuha ang kanyang flash drive.
Tumagal ng sampung minuto ang suspek sa computer shop.
Huli na bago napansin ni Richard Lopez, bantay sa computer shop, na wala na pala ang kanyang cellphone.
Ayon sa barangay, sa galaw pa lang, halatang bihasa na sa ganitong modus operandi ang suspek.
Umaasa naman silang makatutulong ang kuha ng cctv para matunton ang suspek. (Umagang Kay Ganda, May 21, 2015)
This article has been re-published with permission from ABS-CBNnews.com.
