Got a tip? Send it to us at manila@coconuts.co.
Tatlong babae ang sugatan matapos umanong mabangga ang motorsiko nila ng isa pang motorsiklo sa Batasan, Quezon City ngayong Martes. Duda naman ang mga tanod na may nangyaring banggaan at baka naaksidente lamang ang tatlo dahil lasing ang drayber.
Napapasigaw na sa sakit ng katawan si Cassandra Relano na nakahandusay sa kalsada. Sa di kalayuan, duguan naman si Eulyses Bien Quimora na nakaupo sa motorsiklo.
Sa likod niya, nakaupo naman sa semento si Stephanie Quijano na iniinda rin ang mga galos sa katawan at paa.
Kwento ni Quimora na nagmamaneho ng motorsiklo, angkas daw niya sina Relano at Quijano.
Bibili raw sana sila ng pulutan nang biglang banggain ng isang motorsiklo sa intersection ng IBP Road at San Mateo.
“Bigla pong lumusot yung isang motor tapos nag-ano na kami,” ani Quimora.
Pero duda rito ang tanod sa Barangay Batasan. Self accident daw ang nangyari at posible raw na nawalan ito ng kontrol sa pagmamaneho dahil nakainom.
“Wala naman po silang kabanggaan. Sabi nung isa tinuturo niya yung nakainom daw. Sumisigaw kasi yung isa ‘Ang yabang yabang mo!’ Sabi nung isang naaksidente, yung babaeng nakahiga: ‘Ang yabang-yabang mo, sabi mo kaya mo.’ Sabing ganun,” ani Jonathan Bringino ng Barangay Batasan.
Kinumpirma naman ng mga kasamahan ng mga biktima na nakainom na ang mga ito pero tumanggi nang humarap sa camera.
Hindi rin nakahelmet ang tatlo.
Posibleng maharap si Quimora sa asuntong pagmamaneho ng nakainom at hindi pagsusuot ng helmet. Wala ring lisensya ang driver ng motorsiklo. (Umagang Kay Ganda, May 19, 2015)
This article has been re-published with permission from ABS-CBNnews.com.
