MANILA – Higit kumulang PHP3 milyon ang halaga ng danyos sa sunog na naganap sa Barangay Tonsuya, Malabon na nagsimula 8 p.m. kagabi.
Umabot sa 250 na mga bahay at 500 na pamilya ang apektado sa sunog na umabot sa Task Force Delta. Ibig sabihin nito, kailangan ng mas marami pang mga bumbero sa Metro Manila na rumesponde para apulahin ang sunog.
Nahirapan naman ang mga bumbero sa pag-aapula dahil sa makipot na eskinita at pambabato at pamumukpok umano ng mga residente sa mga bumbero.
“‘Yong mga nasusunugan, medyo unruly. Alam mo naman, hysterical sila, hindi natin maintindihan,” ayon kay FSSupt. Sergio Soriano Jr.
Dagdag pa ni Fire Volunteer Russel Rosas, gusto pang agawin ng ilang residente ang mga hose sa kanila.
Marami ang umatras na bumbero sa kasagsagan ng sunog dahil sa takot ng mga ito na masaktan ng mga residente.
Pero nang masiguro na ang kaligtasan ng mga ito, agad na nilang pinasok ang lugar at muling nag-apula ng apoy.
Dahil sa nasabing gulo, apat na fire volunteers ang nasugatan at agad dinala sa pagamutan.
Dalawa naman ang patay na sina Virginia Ytac at Agustin Erespe na natagpuan pa sa loob ng drum.
Pinaghahanap pa rin sa ngayon si Renato Nacion.
Sa inisyal na impormasyon naman ng Bureau of Fire Protection (BFP), short circuit ang naging dahilan ng sunog.
Nagsasagawa na sa ngayon ng mopping operation ang BFP habang nagsisisiksikan sa Barangay Hall ang mga apektadong pamilya. (ABS-CBN Umagang Kay Ganda, Mar 18, 2015)
This article was re-published with permission from ABS-CBNnews.com.
