Got a tip? Send it to us at manila@coconuts.co.
Sinalakay ng mga operatiba ng District Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Group ng Manila Police ang isang bahay sa P. Guevarra Street sa Sta. Cruz, Manila.
Base sa impormasyon, naberipika ng mga otoridad na dito nagaganap ang bentahan ng ilegal na droga.
Ayon sa kanila, marami na silang natatanggap na reklamo kaya’t tiniktikan na nila ang mga suspek.
Nagbunga naman ang halos isang buwang pagmamanman kagabi nang naabutan pa sa loob ng bahay ang dalawang babae at tatlong lalaki na aktong gumagamit ng droga.
Kinilala ang mga suspek na sila Lenelyn Henyo, Peter Villar, Joel Balute, Rodolfo Rocero at Herlene Labtang.
Nakuha mula sa mga suspek ang may 13 sachet ng shabu na may market value na PHP75,000, ilang drug paraphernalia, weighting scale, at isang kalibre 38.
Aminado naman ang tatlong lalaki sa kanilang bisyo habang todo tanggi naman ang dalawang babae.
Muling nagbabala ang mga awtoridad sa mga nagpapakalat ng ilegal na droga sa lungsod. Binigyang diin din ang papel ng publiko para masugpo sa iligal na droga sa pamamagitan ng pagrereport ng mga kilalang tulak sa inyong lugar. (Umagang Kay Ganda, May 27, 2015)
This article has been re-published with permission from ABS-CBNnews.com.
