Kwentaxi by Juana C: Ang lulupit niyo

In this series, Juana Change talks to the person behind the wheel about life in the metro. This week, she discovers the downside of driving for a ride-sharing app.

Nakipaghuntahan ako sa aking matalik na kaibigan na nagle-let go sa kupal niyang ex-lover dahil nahulihan niya ng sandamakmak na kalmot at lipstick marks sa damit na nakuha pang mag-deny at nagpalusot na may allergy lang daw siya. Ha ha ha! Aysowz! Iba rin di ba?

Dala ng slight ang bigat ng loob ng aking kaibigan ay kumuha ako ng Grab. Uy ang bilis! May driver na ako kaagad at two minutes away lang si kuya kaya dali-dali na akong lumabas ng mall. Hindi pa man ako nakakalayo ay may text na siya. Ansave nya sa text, “Sorry po mam ayaw ko ng GrabPay. Driver lang po kasi ako dito. Tnx.”

Ano daw? Ayaw niya ng GrabPay? Bale, ayaw niya ng card payment. Aba aba aba teka! Namimili ng isasakay? Kaya nga may option ng card di ba? Tama bang umayaw?

Sa loob-loob ko lang, ipu-push ko ito. Gusto kong makilala si kuya. Kainis siya. So sumagot ako ng, “Ano gusto mo?” At agad agad niya akong binalikan ng, “Cash po.” With inis, “Ok,” ang isinagot ko. Apir ang car. Maitim at matangkad si kuya. May ichu. At makapal ang Batangueño accent. Pabuka na ang bibig ko pero naunahan niya na ako.

Driver: Mam, pasensya na po talaga.
Juana C: Kuya, hindi ka dapat ganyan. Kaya nga kami may option ng card dahil may mga nag ga-Grab na walang cash o mas kumportable na card ang gamitin. Tulad ko ngayon. Eh kung wala akong PHP150? Eh di kukuha na naman ako ng iba. Sayang ang oras. Dapat sana pagaang kayo sa buhay ng pasahero di ba?
Driver: Pag GrabPay po kasi sa account lang ng may-ari napupunta.
Juana C: Pag GrabPay sa kanya lang? Ano?
Driver: Opo! Sa GCash niya.
Juana C: Di ba sa kanya muna siyempre? Tapos at saka kayo maghahatian sa kung anong napagkasunduan niyo.
Driver: Sana nga po. Pero hindi po ganun eh. Hindi na po kami kasama doon sa card payment. Sa talaga laang po.
Juana C: So sa mga cash lang pala galing ang kita mo?
Driver: Yun lang po ang hinahati namin sa araw-araw. Yung cash lang po.
Juana C: Napaka walanghiya naman ng amo mo.
Driver: Ay ganuon nga po. Tinitiyaga-tiyaga ko nga laang eh.
Juana C: Eh magkano nakukha mong parte sa isang araw?
Driver: Minsan nakaka limang-daan din.
Juana C: Minsan!?! So pag may nagbayad ng credit card hindi ka na nakakahati duon?
Driver: Sa kanya na lang po yun. Hindi na napapakita sa amin yun eh. Pati incentives sinasabi wala na ring ibinibigay si Grab.
Juana C: Ganun? Eh pano kung puro credit card o lamang na card ang gamit ng mga sakay mo sa isang araw?
Driver: Yun na nga. Kaya nga po ako nagsabi sa inyo eh. Nasasabihan na nga po ako na kung ganito eh mag-taxi driver na lang daw ako.
Juana C: Oo nga. Di hamak na mas malaki ang kinikita sa iyo ng taxi driver.
Driver: Kaya naghihintay lang po ako na makakuha ng kapalit yung may-ari.
Juana C: Pano ka ba nakarating dito?
Driver: Nung una naman ey maganda usapan namin. 60-40 sa lahat ng kikitain. Ala ey…
Juana C: Tapos?
Driver: Okay naman ho sana kaso ang problema ey lahat ng gastos eh hati pa rin kami. Yung top-up at tapos yung gas. Pero yung load akin lang yung load
Juana C: Ano yung top-up?
Driver: Yun yung 20% ni Grab. Halimbawa may kinita na PHP1000, magiging PHP800 lang po yun kasi yung PHP200 mapupunta sa load ni Grab. Hati kami dun sa top-up. Kung PHP200, tig-PHP100. Sa matira, yun ang paghahatian namin ng 60-40. Pero lahat ng gastos hati kami.
Juana C: Pero sa load mo sa phone ikaw lang di ba?
Driver: Opo! Basta sa kitang PHP1000, magiging PHP800 lang po yun. Yung PHP200 mapupunta sa load ni Grab. Lagi pong may top-up, para sa 20% ni Grab. Kasi kung walang load hindi ka na makakakuha ng pasahero. Halimbawa po mag load ng PHP1,000, minsan naubos dun ang PHP500. Sa top-up po kinukuha ni Grab yung 20% niya.
Juana C: Ha ha! So kuha ni Grab agad yung kanya bago pa bumiyahe.
Driver: Ala ey ganun na nga po. Wala kang makukuhang pasahero kung wala kang top-up para sa 20% ni Grab. Kung kumita sa isang araw ng halimbawa ng PHP2000, eh di PHP400 ang kay Grab dun. Dun sa top up na nilalagay ng may-ari kukunin ni Grab yun.
Juana C: Wais! At yung pinangta-top-up ng may-ari nito pinapahati ka pa rin agad muna. Wais din. Walang pinag-iba sa real estate. Yung bahay mo, habang kinukuwento pa lang sa iyo ng mga sales agent kung saan ipapatayo, hinuhulugan mo na. Utak kapitalista, utak sigurista!
Driver: Opo! Automatic yun. Hindi katulad sa Uber. Ibabawas niya sa credit card. Wala namang binibigay na pera sa kanya eh. Dito sa Grab kailangan may load.
Juana C: Ayayay! At sa tingin ko ang kain mo sa araw-araw at tubig hindi ka hinahatian ng may-ari.
Driver: Kaya pag GrabPay naiipon ng naiipon lang sa kanya. Pag tinatanong ko si boss eh andun na daw, ang salita sa akin.
Juana C: Andun sa kanya!
Driver: Hayaan ko na daw!
Juana: Kaya ba gusto mo ng cash para utakan mo din siya?
Driver: Hindi naman.
Juana C: True? Kaya yung ginagawa mo sa akin resbak mo sa kanya? Hindi ba dapat lang? Eh itong biyahe natin dahil pina-cancel mo eh di hindi na niya alam.
Driver: Ey ipapasok ko pa rin po naman ito. Konting pera laang iyan.
Juana C: Sa totoo lang hindi ko alam kung matutuwa ako sa iyo o maiinis. Ha ha! Kaawa-awa ang mga tulad mo kuya. Nakadagan na sa iyo ang Grab, nakadagan pa rin sa iyo ang amo mo.
Driver: Ang mahal pa naman ng pagkain dito sa Maynila. Sobra! Bahala na siya kung siya ang may problema. Basta ako tapat ako sa kanya.
Juana C: Ikaw talaga ang palaging maloloko kuya kasi bahala na lang siya. Pero bilib din ako sa iyo kung totoo na hindi ka naitulak na manlamang kahit nilalamangan ka na.
Driver: Salamat po pumayag kayo na cash ibayad niyo sa akin.
Juana C: Dapat ka na nga sigurong lumipat kuya. Hindi lahat ng pasahero maiintindihan ka. Ako nga muntik na kitang i-judge. Yung amo mo mahirap mo yun mabago. Eh di lalo namang mas pahirapan baguhin ang Grab! Haay!
Driver: May mga anak po kasing binubuhay at iniwan na kami ng aking asawa. Nag-abroad na at hindi na halos nagpaparamdam.
Juana C: Aray ko po! Whew! Para na kuya. Ang sakit na nung istorya ng kaibigan ko bago sumakay pero mas masakit pa itong istorya mo.
Driver: Sensya na po ulit at salamat sa cash niyong bayad.
Juana C: Salamat sa kwento kuya. Payt!



Reader Interactions

Leave A Reply


BECOME A COCO+ MEMBER

Support local news and join a community of like-minded
“Coconauts” across Southeast Asia and Hong Kong.

Join Now
Coconuts TV
Our latest and greatest original videos
Subscribe on